Nagising ako ng maaga ng sabado para maghanda sa aming pamamasyal. Naligo ako kagad pagkagising kahit medyo malamig. Medyo binilisan ko na lang para hindi sipunin. Pagkatapos ay ginising ang aking asawa. Nahirapan pa nga akong gisingin dahil may pagkamantika siyang matulog, ang lamig nga naman kasi ng panahon. Pagkatapos kong magbihis medyo nilinisan ko ang sasakyan na aming gagamitin, pinaandar ang makina para maganda kagad ang takbo sa aming pagalis.
6:30 ng umaga ay handa na ang lahat. Alas siyete ang usapan pero tulad ng inaasahan, filipino time sabi nga nila, ang alas siyete ay naging alas nuwebe. Nainis ako ng konti lalo na kung nageffort kang gumising ng maaga at maligo ng malamig. Pero hindi ko naman hahayaan na mainis na lang. Sabi nga nila “life is a matter of choice” marami pang oras para i-enjoy ang pamamasyal at maging mas maganda ang araw ko.
Para makapunta nang mas mabilis sa aming destinasyon tinahak namin ang SCTEX mula San Miguel, Tarlac. Ito ang daan sa loob ng Hacienda Luisita. Pagkatapos ay dumaan kami sa DMIA exit, ang toll fee ay 52 pesos para sa class 1.
Hindi pa namin sigurado ang eksaktong daan papuntang Paradise Ranch kaya nagtanong muna kami sa kahera na nasa toll gate. Diretso lang daw at makikita namin ang karatula. Dumiretso kami at may nakita nga kaming karatula sa kanan, malapit isang rotonda pero nakaturo kung saan kami nanggaling, kaya nagtanong kami ulit sa isang mamang pulis. Bumalik daw kami at may makikita kaming tulay sa kaliwa, dun daw kami dumaan, ang pangalan ng tulay ay Sacobia Bridge.
Pagkatapos ng tulay ay dumaan kami sa pagewang gewang na daan. Naalala ko tulay ang daan papuntang Baguio. Matagal naring panahon na hindi ako nakadalaw sa lugar kung saan ako nagaral. Namiss ko tuloy ang lamig sa lugar lalo sa buwan ng Disyembre at Enero. Sasakit ang ulo mo sa sobrang lamig kapag wala kang complete gear panlaban sa lamig. Ganun pa man, enjoy parin dahil minsan ko lang ito nararanasan sa buong taon dito sa pinas.
Nakita namin kaagad ang karatula na nakalagay na “To Paradise Ranch” sa isang kanto sa aming kaliwa. Ang lugar daw na ito ay Sitio Monicayo Village. Hindi pa maayos ang daan lubak-lubak at puro lupa. May mga daanan pa nga kaming mga nag momountain bike na mukhang napagod na . Sa daan makikita mo ang mga kabahayan na halos lahat ng nakatira ay mga Aeta. Sa pagtayo ng Paradise Ranch mukhang mabibigyan sila ng kabuhayan. Maaayos rin ang kanilang daan dahil project ng Paradise Ranch ang maayos na daan papunta sa rancho.
Sa wakas, wala pang isang oras mula sa Tarlac ay nakarating narin kami. Napakasimple ng karatula na nakalagay ang pangalan ng pasyalan. Ang inaashan ko ay mas bonggang karatula pero ok lang dahil sa isip isip ko wala naman sa karatula yan. Sinalubong kami ng guard at tinanong ang aming sadya. Ulit sa isip ko “natural pasyalan ito edi mamamasyal, kailangan pa bang tanungin yun…” sa kaniyang pagtatanong sinagot ko na lang siya na isa ring tanong. “Magkano po entrance?”, “150 pesos po” sabi ng guard sabay bukas ng gate. Medyo nagulat ako dahil sa pagkakasabi samin ng dating nagpunta dito 50 pesos lang ang entrance fee. Sobra naman ata kung nagtaas sila, 200% kagad samantalang nung isang buwan lang ata pumunta yung nagbayad ng 50 pesos na entrance.
Pumasok na lang kami sa lobby at dun mismo nagtanong. Sa 150 pesos naman pala kasama na ang pagpasok sa Zoocobia pero kung mamasyal ka lang 50 pesos ang entrance. Kaya tag 50 pesos lang ang binayad namin para makapasyal muna at mgbayad na lng ulit ng 100 kung papasok kami sa Zoocobia. Maliban sa entrance nagpadeposit din sila ng 500 pesos para daw sa Clean Deposit at 1000 para sa cottage. Para lang siguraduhin nila na hindi kami magkakalat, refundabale naman kaya oks lang. Pinakiusapan na lang namin ang aming mga kasama na wag magkakalat dahil pambili din iyon nang gatas ni baby. Mula nang nagkaanak kami, nagiba na pananaw naming magasawa sa pera. Binabase naming madalas sa mga puwedeng ipambili para sa anak namin. Maganda naman iyon para marealize kung gano kahalaga magtipid.
Mula sa entrance nagdrive pa ako papasok para puntahan ang parking area, mga 100 meters siguro, malayo parin kung lalakarin mo.Noong nakapark na kami sinimulan naming hanapin ang cottage. Sa aming paghahanap napuntahan namin ang pool area. Kung saan sa taas ng lugar matatanaw mo ang dinaanan naming bridge at ang Expo Filipino. Maganda ang view kaya sinimulan naming kumuha ng mga litrato for souvenire. Meron narin kumuha ng mga pictures sa pool area. Kahit may nakalagay na “Putt off your Slippers” sige pasok parin, wala naman kasing naktingin at nagbabawal saka nakasapatos naman kami hindi slippers. Isa sa mga agaw tingin ay ang dinosaur na pitong talampakan ang taas. Nagkamali pa nga ng tawag ang isa naming kasama, “Papicture tayo sa buwaya!”, hinanap ko naman daw ang buwaya pero wala akong nakita. Ah, yung dinosaur pala ang tinutukoy niya. Sige na nga basta masaya ang lahat.
Sa aming pagtatanong hindi pala ang mga cottage malapit sa pool ang nirent namin kaya tuloy parin kami sa paglalakad at sa paghahanap. Kahit sa paglalakd tuloy parin ang kuhanan ng picture. “Tingin dito!” pose naman silang lahat sabay kuha ko ng picture. May isa pang nagsabi “Dito dito!” pose, pero walang picture. Wala naman palang siyang dalang kamera, naloko niya kami dun.
Nature ang theme ng pasyalan, maraming puno at halaman. Meron din lake na kung saan puwede kang sumakay sa isang balsa at pakainin ang napakadaming isda na kung saan meron din nakikipag agawan na mga bibe. At isa sa mga bibe ang agaw pansin. Kakaiba ang ulo dahil daig niya pa ang hairstyle ko! Ou, may hairstyle ang bibe na pinapakain namin. May buhok siya na nakataas na animoy nakagel. Parang gusto ko na nga siya iuwi at alagaan kung puwede lang. Pero baka magalit si manong na nagmamaniobra ng balsa.
Sinunod naming pinuntahan ang Butterfly Garden, kung saan makakakita ka ng ibat ibang klaseng halaman bulaklak at siyempre ang magagandang butterflies. Kumuha kami ng pictures, yung iba sinubukan manghuli na hindi nasasaktan para parin mapicturan.
Pagod na ako sa kakalakad pero madami parin kaming hindi napuntahan. At maliban sa mga hindi pa namin napuntahan tulad ng mga ostrich meron pang mga on-goingstructures na ginagawa na parte parin nang pasyalan.
Yan ang aking Paradise Ranch experience. Bago ko pala maklimutan nagkaron din kami ng Patani experience. Yung yaya na sumali ng Survivor ata yun. Hindi ko siya kilala, hindi ko naman kasi sinusubaybayan yung palabas, mga kasama ko lang nagsabi. Nakita namin siya dun na palakad lakad at namamasyal din. May kasama siyang isang lalaki at mga bata. Mga alaga niya siguro ewan ko alng yung lalaking kasama niya kung alaga niya din.
Napagaod na ako sa kakakwento mabuti siguro puntahan niyo na lang. Baka mas maganda na nun o kaya tingnan niyo na lang itong website.


No comments:
Post a Comment